“Colonial Atheism: A Very British Vice” by Michael J. Ovey

Ang salitang “colonial” ay isang terminong politikal; samantalang ang “atheism” ay pilosopikal. Nakapagtatakang napagsama ni Michael J. Ovey ang dalawang salitang ito na sa biglang tingin ay parang langis at tubig.

Hiniram ni Ovey ang phrase na ito kay Alan Smith, obispo ng St. Albans sa UK na lumabas sa isang talakayan. Para sa kaniya, malaking tulong ang termino para maintindihan ang paniniwalang atheismo sa kasalukuyan.

“Colonial Atheism” ang ginamit ni Ovey na pagsasalarawan sa paniniwala ng UK government ukol sa kasal. Para sa pamahalaan ng UK, legal ang kasal ng parehong kasarian. Ang batayan sa likod ng paniniwalang ito ay ang paniniwala na ang kasal ay pag-aari ng pamahalaan ng UK. Bunga nito, ang UK government lamang ang may karapatan na ipaliwanag o magsabi kung ano ba ang kasal.

Ayon kay Ovey, ang ganitong paniniwala ng pamahalaan ng UK ay ang praktikal na paglalapat ng paniniwalang atheismo. Dagdag pa niya, ang ganitong uri ng atheismo ay “colonial”. Ito ay “colonial atheism”.

Ano ang batayan ni Ovey na isalarawan ang kasalukuyang atheismo bilang colonial? Ito ay sa dahilang kapwa ang dalawang termino ay nagtataglay ng parehong katangian na kilala sa tawag na “terra nullius” o lupang walang nagmamay-ari.

Simple lang ang ideya sa likod ng “terra nullius”. Once na maideklara na walang nagmamay-ari sa isang lupa, ito ay maaari nang sakupin. Ayon kay Ovey, masusumpungan ang ganitong ideya sa sinaunang mga batas ng emperyo ng Roma at ito ay inilapat sa mga bagong tuklas na mga isla. Walang suliranin na makikita sa ganitong paglalapat sa dahilang wala naman talagang nagpahayag ng pag-aari sa natagpuang mga isla. Subalit papaano kung ginamit ang batas na ito sa mga lupain na mayroon ng lehitimong may-ari tulad ng nangyari sa mga katutubo sa Australia noong ika-19 na siglo?

Ang paggamit ng terra nullius ay nagbibigay katiyakan sa isang situwasyon na tiyak ang panalo ng nananakop kahit ano pa ang mangyari. Upang kilalanin ang nagmamay-ari ng lupa, kinakailangan na ang kultura ng mga taal na naninirahan ay maging katulad ng kultura nang mga mananakop. At pag taglay na ang kulturang ito, ang mga katutubo ay ituturing na bahagi ng kultura ng dayuhang mananakop. Sila ay hindi pahihintulutan na magkaroon ng sariling pagkakakilanlan. Ang kultura ng mga likas na naninirahan ay maisasangkap sa makapangyarihang mga mananakop.

Sa kabilang banda naman, kung pananatilihin ng mga likas na naninirahan ang kanilang katutubong kultura at nakasanayan na hindi angkop sa kolonyal na kapangyarihan, ang mga naninirahan ay aalisan ng personalidad. Sila ay hindi kikilalanin na lehitimong nagmamay-ari ng lupa.

Sa puntong ito, ang “terra nullius” ay ginamit ng higit pa sa “legal” na pag-angkin ng lupa na pag-aari ng ibang tao sa loob ng mahabang henerasyon. Ito ay naging isang pamamaraan upang alisan ng personalidad ang sinuman. Ang mga katutubo ay dapat na mamili – maging katulad sa pamantayan ng mananakop o sila ay hindi kikilalaning nagmamay-ari ng lupang kanilang tinitirhan. Anuman ang mangyari, sila ay hindi pahihintulutan na umiral bilang mga tao na iba kaysa sa mga mananakop. Kinakailangang sila ay umangkop sa pamamaraan ng mga dayuhan. Dalawa lamang ang maaaring pagpilian ng mga katutubo – ang mapabilang sa mga mananakop o puksain.

Pagkatapos ng paglalatag ng saligan, inilapat ni Ovey ang konseptong ito sa atheismo at partikular niyang binanggit ang tanyag na atheistang pilosopo – si Bertrand Russell. Si Russell ay hindi naniniwala na may Diyos dahil walang sapat na ebidensiya na nagpapatunay na may Diyos nga. Ang ganitong pangangatwiran ayon kay Ovey sa biglang tingin ay mukhang lohikal naman. Sa katotohanan, ang walang dudang hinihingi ng ganitong pangangatwiran ay kinakailangang ang Diyos ay sumang-ayon sa mga pamantayan ng ebidensiya na hinihingi ng isang atheista, tulad ng mga Briton na kikilalanin lamang ang karapatan ng mga katutubong Australiano kung sila ay sasang-ayon sa pamantayan ng pagmamay-ari ng Britanya. Pag dating sa Diyos, si Bertrand Russell ay isang kolonyal.

Kung papaanong ang mga Briton ay may mga pansariling interes sa kanilang pagtingin batay sa kanilang kultura na may kinalaman sa pag-aari ng lupa at terra nullius, gayundin naman ang tao sa likas nitong kalagayan ay may personal ding interes na alisan ng personalidad ang Diyos. Batay sa Awit 24:1-2, ang daigdig ay pag-aari ng Diyos sapagkat siya ang may likha dito at lahat ng naririto, kasama na tayo. Kung sasabihin natin na hindi totoong may Diyos malibang matugunan Niya ang ating hinihingi at pampersonal na interes na mga ebidensiya, sino ngayon ang may-ari ng lahat?

May mas matitindi pang mga isyu na nakasalalay dito. Kung ang tao ay pag-aari ng Diyos, hindi natin maaaring sabihin ngayon na bahala ako kung ano ang gusto kong gawin sa katawan at isip ko. Ang paggamit ng aking katawan at ng aking isip ay hindi ko pag-aari. Subalit kung sasabihin ko na hindi naman malinaw ang “titulo ng pag-aari” ng Diyos, bakit hindi ko maaaring gamitin ang katawan at isip ko sa paraan na gusto ko? Ang ganitong paniniwala ay makaka-apekto sa pag-aasawa, pagtatalik, buhay panlipunan at buhay intelektuwal. Kung ang Diyos ang may-ari ng isip ko, anong mga aklat ang dapat kong basahin? Naitanong ko ba sa Diyos kung ano ang mga aklat ang nais Niyang basahin ko? Bilang isang guro, naitanong ko ba sa Diyos kung anong mga aklat ang nais Niyang basahin ng aking mga mag-aaral?

Hindi lamang ang mga Briton ang gumamit ng mga ideya tulad ng terra nullius upang mabigyan katuwiran ang pananakop ng lupain. Pinatutunayan ng kasaysayan na ang sangkatauhan ay sanay sa pag-alis ng personalidad ng kaniyang kapwa base sa lahi, antas sa lipunan o paniniwala. Hindi rin lamang mga atheista ang may kolonyal na saloobin sa Diyos sapagkat isang susing bahagi ng kasalanan ay ang pagsisikap na likhain ang Diyos ayon sa ating wangis at pamantayan, sa halip na tayo ang sumang-ayon sa Kaniyang wangis at pamantayan. Ang mga atheista ay may talaan ng pag-aalis ng personalidad ng iba, subalit huwag nating kalilimutan na ang mga relihiyoso ay kabilang sa nag-alis ng personalidad ng Diyos na nagkatawang tao doon sa krus ng kalbaryo. Hindi mga Briton ang nagpasimuno ng kolonyalismo at hindi rin ito natapos nang kanilang lisanin ang kontinente ng Aprika.

Note: Ang artikulo pong ito ay isinalin at nirebisa base sa personal na pagkaunawa ng blogger sa orihinal na likha ni Michael J. Ovey.

Advertisements

2 thoughts on ““Colonial Atheism: A Very British Vice” by Michael J. Ovey

  1. nice pastor nasakyan ko agad ang magiging konklusyon mo. very educating keep it up!

  2. Salamat sa pagdalaw. ^_^

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s