Apat na mga Layunin ng Pag-aasawa at ng Pamilya

“Ang pag-aasawa ay banal kaya nararapat lamang na ito ay ating pahalagahan. Ito ay kaloob sa atin ng Diyos at dapat nating ariing marangal ang bagay na itinuring ng Diyos na marangal. Sapagkat kung hindi, tayo ay gumagawa ng malaking kamalian laban sa Tagapagkaloob kung ating ibababa ang ating turing sa Kaniyang kaloob.” – Thomas Gataker

familybible-reading2

Ang mga ideya sa araling ito ay hango sa isinulat ni Richard Flinn na “The Puritan Family and the Christian Economy”. Ito ay bahagi ng isang panayam tungkol sa pamilya at inilathala sa “Journal of Christian Reconstruction” ng Chalcedon Publication noong taglamig sa Estados Unidos taong 1977 hanggang 1978.

Sa ating pagsisimula, nais kong gamiting batayan ang pananaw ng isang teologong puritano ukol sa apat na mga kadahilanan ng higit na kahusayan ng tawag ng pag-aasawa kung ihahambing sa pagiging nag-iisa sa buhay:

1. Ito ay itinadhana ng Diyos sa paraiso bago pa ang ibang mga kalagayan sa buhay.

2. Ito ay bunga ng konsultasyon sa pagitan ng tatlong persona ng Trinidad.

3. Ito ay pinagpala ng Diyos.

4. Ito ay itinakda ng Diyos upang maging saligan at seminaryo ng lahat ng iba pang mga kalagayan sa buhay sa komunidad at sa Iglesia.

Ang ika-apat ng punto ang nais kong bigyan ng pansin. Ang pag-aasawa ay hindi lamang nauna base sa paglikha, ito din ay “binhian” o “lugar anakan” ng lipunan. Sa loob ng istraktura ng pag-aasawa, itinakda ng Diyos na ang tao ay matuto at masanay para sa kaniyang trabaho ito man ay may kinalaman sa estado, sa Iglesia, sa paaralan, o sa pamilya. Ang kalusugan, kasiglahan, at kabanalan ng pamilya ay hindi maaaring ihiwalay sa kabanalan ng lipunan.

Binigyang linaw ni William Perkins ang ibig sabihin ng ika-apat na punto. At ito ay ating makikita sa kaniyang pagbubuod ng mga apat na mga layunin ng pag-aasawa at ng pamilya:

1. Pagpapadami ng mga bata para sa pagpapalaganap at pagpapatuloy ng sangkatauhan.

2.  Pagpapadami ng “banal na binhi” na kung saan ang Iglesia ng Diyos ay dapat na mapanatiling banal upang nang sa gayon ay mapanatili ang banal na kapulungan ng pagsamba sa Diyos sa daigdig.

3.  Pagkatapos ng pagkahulog sa pagkakasala ng tao, ang pag-aasawa ang itinakdang kaparaanan ng Diyos upang maiwasan ang pakikipagtalik ng hindi kasal at patayin ang apoy ng pita ng laman.

4. Upang matulungan ang lahat ng kabilang sa pamilya sa pagtupad ng kani-kanilang mga pagkatawag at mga tungkulin sa mas mahusay at mas maginhawang paraan.

Pagpapadami ng mga Bata

Sa layuning ito ng pag-aasawa, dalawang punto ang nais kong bigyan ng diin:

Una, sa kabila na pagpapadami ng lahi ng tao ang pangunahing layunin ng pag-aasawa, hindi sapat na batayan ang pagiging baog para sa diborsiyo. Sa isang banda, ang pagkakaroon ng mga anak ay hindi lamang ang tanging layunin ng kasal, kaya ang kawalan ng anak ay hindi sapat na batayan para sa diborsiyo o para sa anumang imoral na pagkilos upang makabawi sa pagkabaog ng kabiyak. Dagdag pa dito, ang pagkakaroon ng anak ay nakadepende sa Diyos. Samakatuwid, ang tanging batayan lamang para sa diborsiyo ay pangangalunya o pakikipagtalik sa hindi asawa na siyang tanging makakaputol sa bigkis ng tipan ng pag-aasawa. Gayunpaman, maaari o nararapat patawarin ang kabiyak kung naroroon ang tunay na pagsisisi.

Ikalawa, maling ituring na ang babae ay isa lamang kasangkapan upang gumawa ng sanggol. Angkop lamang na ang mga babae na pagkalooban ng kapangyarihan at responsibilidad sa tahanan o sa iba pang larangan ayon sa kaloob na ipinagkatiwala ng Diyos sa kaniya. Ang mga liham ni Samuel Rutherford sa mga kababaihan sa kanyang kawan sa Anwoth ay isang magandang halimbawa kung paano na ang isang babae ay maaaring maging tagapayo, katapatang-loob, kapatid na babae sa pananampalataya, at pinagmumulan ng kalakasan ng loob. Binuod ni Haller ang posisyon ng isang babae na bagamat siya ay higit na mahinang sisidlan, siya ay may pananagutan sa parehong batas ng Diyos, at ang Diyos ay nagbigay sa kanya ng asawa upang mapunuan ang kaniyang kahinaan. Kung magkagayon, ang mga lalake ay hindi maaaring pagharian ang kanilang mga asawa, gamitin sila bilang mga kasangkapan, bagkus ay nararapat tratuhin ng marangal at may pagmamahal. Higit sa lahat, dapat ay naroroon ang pagpapasensiya at kahandaan na mapagtawad ng kasalanan kahit maging ang kasalanan ng pangangalunya.

Pagpapadami ng Banal na Binhi

Ang ikalawang layunin ng pag-aasawa ay tuwirang nakaugnay sa teolohiya ukol sa tipan ng Diyos. Isa sa mahalagang pagkatawag ng mga Cristianong magulang ay ang paggawa ng mga banal na binhi ng Tipan. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay nalulugod na itayo ang Kaniyang Iglesia at ang bilang ng mga hinirang. Ang pagkamit ng kalusugan, paglago, at kagalingan ng Iglesia sa pamamagitan ng pagpapalaki ng mga maka-Diyos na mga bata ay nararapat na maging pangunahing layunin ng pag-aasawa. Ang buhay pag-aasawa ay dapat nakaayos para sa mithiing ito.

Ano ang tiyak na ibig sabihin nito? Una, ang mga magulang ay dapat na pumasok sa pag-aasawa at sa gawain ng pagpapalaki ng mga bata na may kababaang-loob, pusong nagsisisi, at binabanal ang proseso sa pamamagitan ng panalangin at ng Banal na Kasulatan. Isaalang-alang halimbawa, ang pagsalalarawan ni Greenham ng pagtatalik sa loob ng kasal na hindi binanal at ang mga resulta nito:

“Dapat mabatid ng mga Kristiyano na kapag ang mga kalalakihan at kababaihan ay nahumaling sa masidhing pita ng laman at sila ay nagtalik tulad ng mga mababangis na hayop at walang ibang isina-alang-alang maliban sa masiyahan ang kanilang pangkatawang pagnanasa at pag-ibayuhin ang kanilang makamundong kagustuhan, at wala silang pakialam na gawing banal ang higaan ng pagtatalik sa pamamagitan ng panalangin, at wala rin silang pakialam upang madagdagan ang bilang ng Iglesia at ng mga hinirang, ang matuwid na kahatulan ng Diyos ay dumarating sa pamamagitan ng   pagpapadala ng mga halimaw, wala sa oras na kapanganakan, mga pangit na mga sanggol, mga likas na mga hangal o dili kaya bagamat may mga taglay na likas na angking talino at magandang pangangatawan subalit lubhang napakasama ng pag-uugali at mga lapastangan.”

Kung magkagayon, ang mga magulang ay nararapat na sadyang nagpaplano na magkaroon ng mga anak na ang magiging bunga ay magpapalakas sa Iglesia.

Ikalawa, nararapat din na ang mga magulang ay mayroong kamalayan sa posibilidad na sila ay pinagkalooban ng mga anak na maaaring tawagin na maging mga opisyales sa Iglesia. Binigyan diin ni Perkins ang kaugnayang ito sa pagitan ng pamilya at ng Iglesia ng kaniyang ipaliwanag na sa pagtuturo at pagsasanay ng mga bata, ang unang nararapat gawin ng isang magulang ay magkaroon ng kamalayan sa sinumang anak na may likas na kahusayan at katalinuhan, at sila ay laang ibukod at italaga at sanayin sa Banal na Kasulatan na baka sila ay tawagin na maglingkod sa ministeryo ng Iglesia.

Kinakailangan din nating tandaan na sa pagsasanib ng teolohiya ng tipan sa doktrina ng Iglesia at ng pamilya ay kaakibat ang mga negatibong aspeto ng tipan. Ang mga magulang na hindi tapat sa tipan ay dadanas ng hatol ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga anak. Ito ay nagaganap sa dalawang anyo: una, sa pamamagitan ng mga anak na walang takot sa Diyos na nagbibigay ng malaking kahihiyan habang sila ay nabubuhay at ikalawa, nagdudulot ng higit na malaking pasakit bunga ng katotohanan ng tiyak na kapahamakan sa impiyerno. Para sa mga puritano, ang teolohiya ng tipan ay walang puwang sa pagpapabaya o mga maling akala sa parte ng mga magulang.

Ang pagkakaroon ng mga anak ay bunga ng habag ng Diyos wika ni John Flavel, subalit kung sila ay mapahamak bunga ng kakulangan ng pagkakilala sa Diyos, paano maipakikita ang Kaniyang kahabagan? Binanggit ni Flavel ang pito o walong mga dahilan kung bakit kailangang turuan at sanayin ng mga magulang ang kanilang mga anak pagdating sa kabanalan. Tatlo sa mga ito ay ang likas na pagkakalapit ng magulang at anak, tuwirang atas ng Diyos na pangalagaan ang kaluluwa ng kanilang mga anak at ang pangamba na bumaba ang sumpa ng tipan sa kanilang mga anak. Wika ni Flavel:

“Ano ang magbibigay sa iyo ng kaaliwan bilang magulang kung sa panahon ng inyong paghihiwalay sa pagsapit ng kamatayan at sila ay pumanaw na walang pagkakilala kay Cristo bunga ng iyong kapabayaan? Ito ay nakasusugat na alalahanin na ang aking anak ay napahamak sa impiyerno at wala akong ginawa upang maiwasan ito. Ang pagtupad ng tungkulin ang tanging makapapawi sa alalahaning ito.”

Dapat nating tandaan na ang hatol bunga ng pagwawalam-bahala sa tipan ay maaari ding maranasan ng mga magulang. Ayon kay Cartwright, isa rin sa mga naunang puritano, ang unang tungkulin ng mga magulang ay ang pananalangin para sa kanilang mga anak. Dapat nilang ipanalangin ang pagkakaroon ng maka-Diyos na mga salinlahi sa hinaharap nang sa gayon sila ay pagkalooban ng mga anak na makatao at masunurin hindi mga salbahe at mga malulupit na supling na tiyak na maghahatid ng dalamhati sa puso o isang pagkakataon upang mapulaan ng mga hindi mananampalataya ang Ebanghelyo.

Bunga ng kaseryosohan ng pagsasakatuparan ng layunin ng pag-aasawa, ang unang tungkulin ng isang magulang ay ang pananalangin sa kanilang mga anak na sila ay pagmulan ng pagpapala sa Iglesia. Ito ay dapat gawin sa panahon ng paglilihi, pagbubuntis, panganganak at sa buong buhay ng isang bata. Ikalawa, ang pagtatalaga sa isang nababagay at likas na mahusay na anak sa pamumuno sa Iglesia. At ikatlo ay ang pagsasanay sa mga anak sa pangkalahatang alituntunin sa katuwiran at kabanalan.

Ayon kay Perkins, may tatlong mga pangkalahatang prinsipyo na ibinigay ang Diyos para maisakatuparan ang mithiing ito. Una, ang bata ay dapat na tinatanggap sa pakikisama ng Iglesia sa pamamagitan ng bautismo. Pangalawa, ang mga binhi ng kabanalan at relihiyon ay dapat na ihasik sa puso ng isang bata sa panahon na ito ay simula ng makaunawa. Habang ang bata ay lumalaki, nararapat lamang na siya din ay lumago sa biyaya at kaalaman. Ikahuli, nabanggit ni Perkins na ang pagtuturo sa mga bata ukol sa relihiyon ay dapat gawin sa paraan na kasiya-siya. Ang pagtuturo ay dapat iayon sa antas ng bata. Sila din ay dapat na pinahihintulutan na magkaroon ng katamtamang paglilibang. Kapag ang bata ay nalihis, dapat silang disiplinahin una sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at kung hindi ito makakatulong, nararapat gamitin ang pamalo ng pagtutuwid. Ang mahalaga ay maiwasan ang dalawang kalabisan – labis na pagpapalayaw at labis na kahigpitan. Upang maiwasan ang ganitong mga kalabisan, maingat na ilapat ang pisikal na pagwawasto sa sikolohiya ng bata; ito ay dapat na inilapat ng may pag-ibig at panalangin, at hindi upang mapawi ang galit na damdamin ng mga magulang.

Si Greenham ay nagbigay ng karagdagang pananaw para maiwasan ang mga kalabisang nabanggit. Ayon sa kaniya, ang disiplina at pagwawasto ng mga anak ay dapat gawin hindi dahil sa kanilang kasalanan laban sa mga magulang, kundi dahilan sa kanilang kasalanan laban sa Diyos. Dagdag pa rito, dapat ding suriin ng magulang ang kaniyang sariling puso kung ang kasalanan bang nagawa ng bata ay nagmula sa kaniya. Kung ganito nga ang situwasyon, dapat isaisip ng magulang na maaaring ang hatol ng Diyos ay maaaring nasa kaniya rin. Sa ganitong mga pagkakataon na nagagalit ang magulang sa mga anak, dapat lamang na magkaroon din siya ng banal na galit sa kaniyang sarili. Dapat niyang talikuran ang kaniyang kasalanan at manalangin para sa kagalingan ng kaniyang anak.

Malinaw sa mga halimbawang nabanggit na malaking kasinungalingan ang pananaw na ang paraan ng edukasyon, pagsasanay at pagwawasto ng mga puritano ay malupit. Sa halip, natunghayan natin ang katunayan ng paghahangad ng mga puritano na ipasa-ilalim ang pagpapalaki sa mga anak sa mga panuntunan ni Kristo tulad ng kanilang paghahangad sa lahat ng bahagi ng kanilang buhay. Ang disiplina at pagwawasto ay hindi isang personal o pansariling reaksyon sa kamalian ng isang bata. Sa halip, ito ay una sa lahat ay pagpapahayag ng paninibugho para sa Diyos at sa Kanyang kautusan; ikalawa, ang disiplina ay nararapat na ilapat sa pamamagitan ng pagtutuwid ayon sa salita ng Diyos bago ang pisikal na pagwawasto. Ginagawa lamang ang huli kung kinakailangan at gagawin lamang ito ng buong ingat na may pagsasa-alang-alang sa pangangatawan ng bata. At sa kahuli-hulihan, marahil ang pinakamahalaga sa lahat na sa pagsasanay ng mga magulang sa kanilang mga anak upang mapatatag ang Iglesia, nararapat lamang na sila ay may pusong nagsisisi at mapagpakumbaba sa harapan ng Diyos sa kanilang paglalapat ng parehong mga pamantayan (batas) sa kanilang mga sarili tulad ng sa kanilang mga anak.

Upang Maiwasan ang Pakikipagtalik ng Hindi Kasal at Pagpuksa sa Apoy ng Pita ng Laman.

Ang ikatlong layunin ng pag-aasawa ay upang maiwasan ang pakikipagtalik ng hindi kasal at mapuksa ang apoy ng pita ng laman. Sa paglaki ng bata, siya ay kinakailangang gabayan tungkol sa bagay na ito sapagkat ang pagpapabaya dito ay maaaring magdulot ng “harlotry” o ng mahalay na pagsasama.

Tungkulin ng mga magulang na paalalahanan ang kanilang mga anak ukol sa kahalagahan ng pag-aasawa lalo na kung ang mga anak ay dumaranas ng mga tukso sa bahagi ng sekswal na kabanalan. Ang tugon ng Diyos upang maiwasan ang mga tuksong udyok ng pita ng laman ay ang pag-aasawa. Sa pagpili ng isang asawa para sa kanilang mga anak, nararapat na pahalagahan ng mga magulang ang “kadalisayan at karunungan,” sa halip na “kagandahan o kayamanan,” ngunit kung parehong taglay ito ng mapapangasawa, ito ay higit na mahusay at ang mga magulang ay dapat na magpasalamat. Ito ay nagpapatunay lamang na ang pananaw ng mga puritano sa pagtatalik ay masasabing hindi malaswa at hindi rin labis na mapagtimpi.

Ang pagtatalik ay isang mahalagang tungkulin sa pag-aasawa. Kung ang pagtatalik ay ipinapahayag sa maayos na paraan, ito ay banal at dalisay na gawain. Tulad ng lahat ng iba pang mga aspeto ng buhay, ito ay kinakailangang linisin sa pamamagitan ng Salita at panalangin. Itinuturo sa atin ng Banal na Kasulatan ang karapatan at banal na paraan ng pagtatalik. Maaaring ito ay buodin sa dalawang mga prinsipyo:

1. Nang may kahinahunan.

Wika ni William Perkins:

“…kahit na sa matrimonyo ng kasal, sa mata ng Diyos, ang labis na pita ng laman ay walang kaibahan sa hayagang pangangalunya. Ito ang pananaw ng sinaunang Iglesia, na ang kawalan ng pagpipigil o walang habas na pagnanasa kahit na sa pagitan ng lalaki at babaeng mag-asawa ay katumbas din ng pakikipagtalik ng hindi kasal.”

Ayon kay Edmund Morgan, ang kalabisan sa pananaw ng mga puritano ay ang pagdating sa punto na ang mga makalupang kaluguran ay ituring na makalangit na mithiin. Alam ng mga puritano kung paano tumawa at magmahal, subalit wala sa mga gawaing ito ang naghari o nangibabaw sa kanilang buhay.

2. Sa panahon ng banal na pangilin.

Ang Banal na Kasulatan ay nagbigay na mga panahon na kailangang iwasan ang pakikipagtalik. Mayroon lamang dalawang pagkakataon na maaari itong gawin – kapag ang isang babae ay may buwanang dalaw o sa panahon ng isang malubhang kalamidad na kapwa ang mag-asawa ay dapat na ilaan ang kanilang mga sarili sa pag-aayuno at pananalangin.

Upang Matulungan ang Lahat ng Kabilang sa Pamilya sa Pagtupad ng Kani-kanilang mga Pagkatawag at mga Tungkulin sa Buhay

Ang Diyos ay nagbigay sa bawat Kristiyano ng pangkalahatan at mga natatanging pagkatawag. Ang pangkalahatang pagkatawag ay naaangkop sa lahat ng mga Kristiyano; ang natatanging pagkatawag ay magkakaiba sa bawat Kristiyano.

Ang pag-aasawa at ang pamilya ay ibinigay ng Diyos upang tulungan ang mga Kristiyano sa pagtupad ng kani-kanilang pagkatawag. Ang unang mahalagang gampanin ng pag-aasawa at pamilya ay may kinalaman sa kabanalan. Nabanggit na natin ang mahalagang bahagi ng mga pamilya sa maka-Diyos na pag-unlad ng mga bata. Gayundin sa mag-asawa, dapat na patalasin nila ang bawat isa pagdating sa pananampalataya. Tungkulin ng lalake na paalalahanan at turuan ang kanyang asawa. Sa kabilang banda naman, tungkulin din ng babae na pagpayuhan at paalalahanan ang kaniyang asawa kung hindi nito natutupad ang kanyang tungkulin.

Ang pamilya ay itinalaga din ng Diyos upang tulungan ang mga miyembro nito sa pagtupad ng kani-kanilang mga natatanging pagkatawag. Dapat ihanda at gabayan ng mga magulang ang kanilang mga anak para sa kanilang natatanging pagkatawag. Ang pag-aasawa mismo ay isang natatanging pagkatawag. Ibig sabihin naniniwala ang mga puritano na tungkulin ng mga Kristiyanong magulang na ihanda at turuan ang kanilang mga anak na maging maka-Diyos at marunong na mga magulang pagsapit ng kanilang panahon. Hindi sapat para sa isang Kristiyano na maging isang asawa o ama. Siya ay dapat maging isang Kristiyanong asawa at Kristiyanong ama. Ang bata ay dapat na matuto ayon sa Salita ng Diyos ukol sa pagkatawag ng pag-aasawa. Una, dapat niyang malaman kung papaano maghanap ng mabuting makakasama sa buhay at kung ano ang mga katangian ng isang mahusay na asawa. Siya din ay dapat turuan kung papaano mag-trabaho, kung paano maging masipag, at kung paano pamahalaan ang isang tahanan. Sa isang mensahe ni Thomas Gataker ukol sa halaga ng isang mahusay na asawang babae, kaniyang tinagubilinan ang kanyang mga tagapakinig upang sanayin ang kanilang mga anak na babae:

“… maging isang pagpapala at hindi isang krus o isang sumpa para doon sa kanilang mapapangasawa…linangin at sanayin sila sa tunay na karunungan at maingat na pagpapasiya, sa takot sa Diyos, at iba pang mga katangian na kagigiliwan kapwa sa paningin ng mg tao at ng Diyos; sa pagiging maybahay at industriya, at mga kasanayan sa pamamahala sa sambahayan upang nang sa gayon sila ay maging katuwang ng kanilang mga asawa at hindi sagabal, sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang babae ay nilikha noong una.”

Kaalinsabay nito, itinakda rin ng Diyos na ihanda at gabayan ang mga anak sa kanilang natatanging pagkatawag sa pamamagitan ng pamilya. At ito ay dapat gampanan ng mga magulang. Sa halip na hayaan na lamang ang mga bata sa anumang kalagayan, tungkulin ng mga magulang na tuklasin ang pagkatawag ng kanilang mga anak at ihanda ang kanilang mga anak para sa kanilang pagkatawag. At upang mabatid ang angkop na pagkatawag ng kanilang mga anak, dapat ay nababatid ng mga magulang ang likas na hilig at angking galing ng kanilang mga anak. Ang paghahanap ng angkop na pagkatawag sa mga anak ay lubhang napahalaga. Ang mga magulang ay walang karapatang bigyang kasiyahan ang kanilang mga sariling ambisyon sa pamamagitan ng kanilang mga anak. Sa halip, dapat nilang ipasailalim sa panuntunan ng Diyos ang kanilang buhay at buhay ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng Banal na Kasulatan, pamamahala at pangangalaga ng Diyos. Isang malaking kamalian sa mga bata at sa lipunan na sila ay pilitin sa mga hindi nababagay na pagkatawag.

Bilang buod, natunghayan natin sa teolohiya ng mga puritano, ang kasal at ang pamilya ay pundasyon sa maayos na paglikha ng Diyos. Ang pamilya ay ibinigay ng Diyos upang magpakarami ang sangkatauhan, upang mapanatili ang kalusugan at paglago ng iglesia, upang maiwasan ang pagtatalik na labas sa kasal at mapanatili ang katawan bilang templong banal para sa Banal na Espiritu at upang ihanda ang mga miyembro ng pamilya para sa kani-kanilang mga pagkatawag.

Ang Pagsamba ng Pamilyang Puritano

Sa pagtatapos ng araling ito, hindi ito magiging kumpleto kung hindi natin tatalakayin kung paano sumamba ang pamilyang puritano. Isang mahalagang dokumento ang nararapat nating basahin, “Ang Direktoryo para sa Pagsamba ng Pamilya.” Ang direktoryong ito ay pinagtibay ng General Assembly ng Iglesia ng Scotland noong 1647. Ito ay nagbigay ng tagubilin kung bakit, kailan, at paano ang bawat pamilya ay sasamba sa Diyos sa loob ng kanilang sariling mga tahanan. Makikita natin ang kaseryosohan ng tungkuling ito sa pananaw ng mga puritano sa pamamagitan ng isang panimulang pahayag:

“…inatasan at itinalaga ng General Assembly ang mga ministro at mga matatanda upang gumawa ng masusing pagsisiyasat at pagtatanong sa mga kongregasyon na nakatalaga sa kanila at alamin kung may mga pamilya na kinakaligtaan ang tungkuling ito: at kung matagpuan ang sinumang pamilya na nagpapabaya, ang pinuno ng pamilya ay paaalalahanan ng pribado upang maitama ang kaniyang pagkukulang… pagkatapos ng pagtutuwid at matagpuan pa rin siyang pabaya sa pamilyang pagsamba, hahayaan siya sa katigasan ng kaniyang ulo, sususpindehin at babawalan sa Banal na Hapunan, sapagkat hindi siya nararapat dito maliban na siya ay magbago.”

Ang kapabayaan sa pagsasagawa at pagsasakatuparan ng pamilyang pagsamba ay ginawang batayan ng disiplina ng Iglesia sa Scotland. Ganito rin ang paniniwala ng mga puritano pagdating sa pamilyang pagsamba. Dagdag pa dito ay ang konspeto ng mga puritano na ang pamilya ay isang “maliit na Iglesia.” Itinuro ni Lewis Bayly na “kung ano ang mangangaral sa pulpito, gayundin ang mga Kristiyanong may-ari ng bahay sa kanilang mga tahanan.” Para sa gawaing ito, ang pamilya ay dapat na magtipon ng hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw para sa pagsamba. Sa umaga sila ay magtitipon bago pasimulan ang kani-kanilang mga gawain. Sa gabi, pagkatapos maranasan ang pagpapala ng Diyos sa buong araw na paggawa, mananalangin sila para sa pangangalaga ng Diyos sa buong magdamag. Sa pagsasakatuparan ng ganitong uri ng debosyon, ang pamilyang puritano ay parang isang uri ng paraiso sa lupa.

Ang pribadong pamilyang pagsamba at publikong pagsamba ng Iglesia ay magka-ugnay. Ito ay makikita sa tuwing sasapit ang araw ng Sabbath. Ang Araw ng Panginoon ang pinakasukdulan sa puritanong pampamilyang pagsamba. Inilarawan ni Lewis Bayly kung paano ipinagdiriwang ng mga pamilyang puritano ang Sabbath. Sila ay naghahanda Sabado pa lamang ng gabi. Ang debosyon sa Linggo ng umaga ay maiksi upang magkaroon ng panahon para sa personal na pagbubulay-bulay at oras patungo sa Iglesia. Sa oras ng pagsamba, magkakasama ang buong pamilya. Pagkatapos ng pagsamba, sa hapunan mayroong pagsusulit ukol sa mensahe. Pinupuri ang mga naka-alala, ngunit hindi pinapahina ang loob ng mga nakalimot. Ang layunin ay upang alamin kung anong bahagi ng mensahe ang naunawaan upang higit pa itong mapalawak at tuwirang mailapat sa praktikal na pamumuhay ng pamilya. Ang bandang hapon naman ay ginugugol sa pag-aaral ng katekismo at mga gawa ng awa para sa mga mahihirap at may karamdaman. Sa ganitong paraan ang mga pribadong pagsamba ng pamilya ay konektado sa Iglesia at sa ilalim ng di-tuwirang pamamahala ng mga opisyal ng Iglesia.

Ang pamilyang puritano ay nabuhay, naglingkod, sumamba at nagbigay luwalhati sa Diyos sa Iglesia, sa estado, at sa pangkalahatang paglikha. Ang ganitong mataas na pananaw sa pamilya ang nagsilbing matibay na saligang bato para sa puritanong pagbabago ng lipunan. Kung nabawi man ng mga reformers ang kahalagahan ng pamilya, ang mga puritano naman ang nagbalik sa pamilya sa nararapat nitong kalagayan para sa kaayusan ng lipunan. Dito nakasalig ang isa sa mga malimit na nakakaligtaang lakas ng puritanong repormasyon.

 

Mga Gabay na Katanungan

 

1. Saan hinango ang mga ideya sa araling ito?

2. Anu-ano ang mga apat na dahilan ng higit na kahusayan ng pag-aasawa kaysa sa pamumuhay ng nag-iisa?

3. Ano ang ibig sabihin na ang pag-aasawa ay “lugar-anakan” ng lipunan?

4. Anu-ano ang mga apat na layunin ng pag-aasawa at ng pamilya?

5. Ano ang dalawang kamalian na dapat iwasan ukol sa layuning pagpapadami ng tao?

6. Ipaliwanag sa iyong sariling pagkaunawa ang kahulugan ng layunin na may kinalaman sa pagdami ng “banal na binhi”?

7. Buudin ang sinabi ni Greenham ukol sa magiging resulta ng pagpapabaya sa layuning pagpapadami ng “banal na binhi”.

8. Magbigay ng dalawa o tatlong mga hakbang na dapat gawin ng isang magulang upang maisakatuparan ang layuning nabanggit?

9. Ano ang dalawang kahatulan na mararanasan ng magulang bunga ng kapabayaan na tuparin ang tungkuling itinakda ng tipan ng pagpapamilya?

10. Ayon kay John Flavel, ano ang tatlong mga dahilan bakit kailangang sanayin ang mga anak sa kabanalan?

11. Ayon kay Perkins, ano ang tatlong mga prinsipiyo na ibinigay ng Diyos sa pagganap ng tungkuling ito?

12. Ano ang dalawang kalabisan na dapat iwasan sa pagdisiplina sa mga anak? Paano maiiwasan ang mga kalabisang ito?

13. Ano ang dalawang prinsipiyo na may kinalaman sa pagtatalik?

14. Ipaliwanag sa iyong sariling pananalita ang iyong pagkaunawa sa ikatlong layunin?

15. Anu-ano ang mga praktikal na pagsasabuhay ng pagtuturo ukol sa pagiging Kristiyanong asawa o ama?

16. Ano ang tagubilin ni Thomas Gataker na may kinalaman sa pagsasanay ng anak na babae?

17. Papaano sumamba ang puritanong pamilya?

18. Paano ipinakita ng mga puritano ang kaseryosohan ng pamilyang pagsamba?

19. Paano ipinagdiriwang ng mga puritano ang araw ng Panginoon?

20. Para sa mga puritano, ano ang batong saligan ng pagbabago ng lipunan?

Advertisements

2 thoughts on “Apat na mga Layunin ng Pag-aasawa at ng Pamilya

  1. INC ba gumawa nito?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s