Mga Nakakabahalang Pagbabago

Base sa ginawang pag-aaral ni Urie Bronfenbrenner na may pamagat na “The Disturbing Changes in the American Family” at nilathala noong 1976, maraming mga nakakabahalang pangyayari na nagiging dahilan upang makaligtaan ang mga kabataan na nagdudulot ng malaking kalamidad sa lipunan. Bagamat 38 taon na ang nakalipas, hindi mawaglit sa aking isip na itanong kung nagkaroon ba ng pagbabago o lalong lumala sa ating kasalukuyang panahon? Ang mga pagbabago bang ito ay sa Estados Unidos lamang at hindi totoo sa ating bansa? Kumusta kaya sa ibang panig ng mundo?

01-TeenCrime

Isa sa nakakabahalang pangyayari ay ang paglaki ng mga bata edad 6 pababa sa piling ng nag-iisang magulang. Tatlo sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng tahanan na may isa lamang magulang ay ang mga diborsiyo, pagsilang ng mga sanggol na labas sa matrimonyo ng kasal, at pag-iwan ng kabiyak.

Photo Credit

Ang ikalawang nakakabahalang pangyayari ay ang kakulangan ng panahon ng magulang sa kanilang mga anak. Ang mga sanhi nito ay ang mga “demanding” na trabaho na pati gabi at “weekends” ay nagagamit, mga “meetings,” social gathering at mga community obligations. Bunga nito, papaliit ng papaliit ang oras ng mga magulang na makipaglaro, kausapin, at turuan ang kanilang mga anak. Paparaming bilang ng mga bata ay umuuwi sa tahanan na walang kasama.

Dagdag pa nito, papalaking bilang ng mga magulang ay ipinapasok ang kanilang mga anak sa “day-care centers,” “pre-schools,” at kung nasa bahay man ay pinababayaan na lamang na gugulin ang mga oras sa harapan ng telebisyon. Unti-unti nang nawawala ang “family picnics,” “long Sunday dinners,” ang pagtutulungan ng mga magulang at mga anak ng pag-sasa-ayos ng bahay, sama-samang paghahanda ng pagkain, “hiking,” at pag-awit at pagsasayaw kasama ang iba pang kamag-anak at mga kaibigan.

Hindi lamang daw mga magulang ang kumakaligta sa kanilang mga anak, kundi ang buong lipunan. Sa papaanong paraan? Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

“The fragmentation of the extended family, the separation of residential and business areas, the disappearance of neighborhoods, zoning ordinances, occupational mobility, child labor laws, the abolishment of the apprentice system, consolidated schools, television, separate patterns of social life for different age groups, the working mother, the delegation of child care to specialists. . . .”

Ang buong kasalukuyang lipunan daw ay nagpapataw ng “pressures” at “priorities” sa mga magulang na nagiging dahilan ng pagkawala ng oras at lugar para sa makabuluhang mga gawain at pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga magulang at mga anak. Ito raw ay nagpapababa sa tungkulin ng mga magulang sa kanilang mga anak.

Ang pinakanakakabahala sa lahat ay ang pagbaling ng mga bata sa TV (sa panahon natin, computer games), at “peer groups” (same-age cliques or gangs) upang mapunuan ang kalungkutan dulot ng isolation o pag-iisa. Sa pagsasama ng mga kabataang ito, kanilang pinag-eksperimentohan o sinusubukan ang “drugs, crime, sex, religious cults” o kahit ano lamang na mapag-kakaabalahan. Ang mga kabataang ito ay dumadagdag sa bilang ng iba pang mga kabataan na may “reading problems,” “dropouts, drug users, and juvenile delinquents.” Sa bandang huli, ang ganitong mga pangyayari ay nagsisilbing banta sa katatagan ng lipunan dulot ng papataas na bilang ng krimen na kagagawan ng mga kabataan edad 18 pababa, papataas na bilang ng pagpapatiwakal ng mga kabataan, at kawalan ng produktibong kontribusyon ng mga kabataan bunga ng “anti-social behavior,” “disorientation,” kawalan ng “training” at “self-discipline.”

Nangyayari ba ang mga ito sa ating bansa? Kung hindi, magpasalamat tayo. Kung may mga palatandaan na nangyayari ang mga ito, mas mainam na maagapan bago tuluyang lumala.